MacArthur Park

by The ZEN Bitch

Gana

(tulang prosa)

wala akong sinagot nang tanungin niya ako kung gusto ko rin ba.

hinayaan ko siyang magsalita hanggang ang kanyang boses ay nagmistulang tunog ng alon na humahampas sa dalampasigan ng aking mga tainga. malamig ang tunog na yaon, parang tubig sa dagat kapag dapithapon, nanghihila sa magdamag na pagtulog. ngunit mahirap makatulog sa lugar na ito, naisip ko. ang kalansing ng mga kubyertos na kumakayod sa maninipis na platong melaware, ang pinaghalu-halong amoy ng mga pagkain, kultadong usok at pawis ng mga tao, at ang liwanag ng mga puting ilaw sa food court ay sapat upang manatiling mulagat ang aking mga mata at gising ang aking pundidong diwa.

nang dumating ang aming pagkain, wala akong nagawa kundi kunin ang aking kubyertos, ihatag ang aking plato sa kanyang pagsandok ng kanin, at langhapin ang alingasaw ng gulay na ginisa sa binurong isda.

phnom penh, 2004 (hinalungkat sa baul, 2009)

copyright: Michael P. De Guzman